GENERAL SANTOS CITY – Tatlo ang patay sa magkahiwalay na operasyon ng mga otoridad sa Polomolok, South Cotabato.
Dead on arrival sa pagamutan ang isang nagngangalang Conrado Kasabal, record officer ng Land Transportation Office (LTO) at residente ng bayan ng Tupi sa nasabing lalawigan.
Mabilis umanong nagpaputok ng kanyang baril ang target nang napansin na isang pulis ang katransaksyon kasunod ng pagbebenta ng iligal na droga sa National Highway, Barangay Glamang.
Sa ikalawang operasyon naman na isinagawa sa isang banana plantation sa Barangay Pagalungan nanlaban umano sa tauhan ng City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU) ang suspek na kinilalang si Leo Tuba.
Sakay sa Innova ang target kasama ang isang Moises Sarco nang isinagawa ang pagbebenta ng droga.
Napansin ng mga ito na pulis ang katransaksyon kaya nakipagbarilan na dahilan na nasawi si Tuba habang nakatakas naman si Sarco.
Sa follow-up operation sa Purok San Miguel, Barangay Klinan 6, Polomolok ay nangyari ang habulan sa pagitan ng suspek na si Sarco at ng mga otoridad hanggang sa nakorner ito sa damuhang bahagi sa lugar.
Dead on the spot si Sarco matapos nakipagbarilan sa operatiba.
Narekober sa posisyon ni Tuba ang granada habang baril naman kay Sarco.