-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril-patay sa tatlong mga biktima sa bayan ng Surallah, South Cotabato.

Kinilala ni Police Lt. Col. Jomero Casildo Sentita, hep eng Surallah PNP ang mga biktima na Juan Diangco Pidoy, 44 years old, may asawa, minero, anak nitong si Mark Anthony Laureño Pidoy, 22 years old, single na kapwa residente ng Sitio Colombasinong, Brgy Colongulo, Surallah, South Cotabato at isang Jason Oga Mangumpaos, 32 taong gulang, may asawa na residente naman ng Brgy K’matu, T’boli South Cotabato.

Ayon kay Sentinta, lumbas sa kanilang imbestigasyon na habang nag-iinuman ang mga biktima sa loob ng bahay ng pamilya Pidoy nang biglang dumating ang isang grupo ng mga armadong kalalakihan na nakasuot ng itim na uniporme at naka-bonnet.

Nagpakilalang mga kasapi umano sila ng PDEA at walang habas na pinagbabaril ang mga biktima.

Nagtangka pa na makalabas ng bahay ang mga biktima upang tumakas ngunit inundayan pa rin sila ng putok ng mga armado.

Matapos ang insidente ay agad naman na umalis ang mga suspek patungo sa hindi malamang direksyon dala ang mga baril na kanilang ginamit sa krimen.

Sa pagproseso ng SOCO Team mula sa South Cotabato Provincial Forensic Unit sa pinangyarihan ng insidente ay narekober ang dalawampung (20) piraso ng fired cartridge ng Caliber 45 at isang fired bullet.
Naisugod pa sa ospital ang mga biktima ngunit binawian din ng buhay ang mga ito dahil sa tadtad ng bala ang ibat-ibang parte ng kanilang katawan.

Hindi pa matukoy sa ngayon ng mga otoridad ang motibo ng krimen.

Sumisigaw ng hustisya naman ang pamilya ng mga biktima.
Samantala, agad na nagpalabas ng statement ang PDEA-Region 12 na kumukundena sa pangyayari at itinangging mga tauhan nila ang mat kagagawan sa krimen.