KORONADAL CITY – Hinikaya’t ngayon ng pulisya ang pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na tumulong upang maresolba ang rido o away pamilya na nangyayari sa bayan ng Pikit, North Cotabato.
Sinabi ni Pikit PNP Chief Police Captain Mautin Pangandigan, ito ay dahil sa dahil sangkot dito ang mga kasapi ng MILF kung saan sa pinakahuling engkwentro nagresulta ito sa pagkamatay ng 3 katao.
Ayon kay Pangandigan, tatlo ka tao ang nasawi makaraang pagbabarilin ng riding in tandem criminals sa Sitio Dangeya Barangay Bulol, Pikit Cotabato.
Nakilala ang mga biktima na sina Mahamed Ahad alyas Sito,28 anyos, Maan Panaggilan, 32 anyos at Unday Abdulkadir, 29 years old, pawang magsasaka at nakatira sa Barangay Rajamuda, Pikit, North Cotabato.
Lumabas sa imbestigasyon na sakay ng motorsiklo ang mga biktima patungo sana sa Barangay Lagundi Pikit at nang pagsapit sa lugar ay pinagbabaril ang tatlo ng riding in tandem suspects.
Nagtamo ng sugat mula sa tama ng bala ang mga biktima na naging resulta sa kanilang agarang pagkamatay.
Narekober sa crime scene ang fired cartridge cases caliber 5.56 at 7.62 na ginamit ng mga responsable sa pamamaril.
Sa ngayon, natatakot na ang mga residente sa lugar sa posibilidad na maulit pa ang pangyayari kaya’t nanawagan ng tulong mula sa pulisya at MILF.