KORONADAL CITY – Tatlo na ang naitalang patay sa muling pagsiklab ng sagupaan sa dalawang grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Maguindanao del sur.
Ito ang inihayag ni BGen. Oriel Pangcog, commander ng 601st Brigade Commander Bgen. Oriel Pangcog sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Pangcog, nangyari ang panibagong engkwentro sa boundary ng Brgy. Dapiawan, Datu Saudi Ampatuan at Brgy. Pamalian, Shariff Saydona Mustapha.
Karamihan sa daan-daang mga apektadong sibilyan na nagsilikas ay mula sa barangay ng Dapiawan sa nabanggit na bayan.
Ayon kay General Pangcog, ito na ang ika-apat na engkwentro sa pagitan ng 18th at 105th Base Command ng MILF.
Dagdag pa ni Pangcog na ang dalawang nasawi ay mula sa panig ng 118th Base Command habang isa naman sa 105th.
Ngunit, nilinaw din ni Gen. Pangcog na patuloy pa ito ngayong beneberipika ng government troops.
Samantala, tiniyak din ng opisyal na dahan-dahan na ring nakauwi ang nagsilikas na mga sibilyan kasunod ng clearing operations sa lugar.
Sa ngayon, nakaantabay ang mga sundalo sa lugar upang hindi na maulit ang sagupaan ng dalawang panig.