KORONADAL CITY – Pumagitna ang mga kapulisan at barangay officials ng Datu Abdullah Sangki, Maguindanao, matapos magkaroon ng sagupaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at security group ng isang banana plantation sa naturang lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Koronadal, kinilala ni Major Alma Ladera, hepe ng Datu Abdullah Sangki-Philippine National Police, ang mga sangkot sa kaguluhan na grupo ni certain Kumander Tommy ng MILF 105th Base command, at grupo ni Aldrex Kali na community leader ng banana plantation sa Barangay Tukanalugong.
Nagsimula umano ang engkuwentro nang tinanggal ang nasa 10 empleyado dahil sa sinasabing paglabag sa patakaran ng plantasyon.
Sumiklab ang palitan ng putok sa dalawang panig matapos sugurin ng grupo ni Kumander Tommy ang plantasyon.
Kinilala ang mga nasawi sa panig ng MILF na sina Datu Ila Mohammad at Toy Taha, habang inaalam pa ang identity ng namatay sa grupo ni Kali.
Samantala, nagpapagaling sa Isulan Provincial Hospital ang nasugatan na isang civilian security volunteer na si certain Tanto Abdul.