-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Isang sundalo at dalawang kasapi ng New People’s Army (NPA) ang patay kasabay ng sagupaan na naganap sa Hacienda Remunda, Barangay Kapitan Ramon, Silay City, Negros Occidental kaninang umaga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 303rd Infantry Brigade commander B/Gen. Inocencio Pasaporte, nakatanggap ng impormasyon ang 79th Infantry Battalion na may presensya ng mga rebelde sa lugar kaya’t kaagad na nagsagawa ng operations.

Pagdating sa lugar dakong alas-6:00 ng umaga, nakaengkwentro ng mga sundalo ang hindi bababa sa 10 kasapi ng NPA.

Matapos ang bakbakan, napatay ang isang miyembro ng NPA na kinilala lamang kay Alyas Ka Pabling.

Tinamaan naman sa ulo si Private First Class Christopher Alada at binawian ng buhay sa Teresita Lopez Jalandoni Provincial Hospital.

Sa hot pursuit operations, nasundan ng mga sundalo ang patak ng dugo hanggang natagpuan ang bangkay ng isang amazona o female fighter ng NPA malapit sa mga pamamahay.

Sa ngayon wala pang identity ang namatay na amazona ngunit nakatanggap umano ng impormasyon ang militar na nagsisilbi itong political officer ng Northern Negros Front ng NPA.

Narekober naman ng mga sundalo ang isang M16 rifle at personal na kagamitan ng mga rebelde.

Ayon kay Pasaporte, maraming residente sa Barangay Kapitan Ramon ang nagsusumbong na may mga armado sa kanilang lugar at humihingi rin ng pagkain mula sa mga magsasaka.