CENTRAL MINDANAO – Dalawang bata at isang dalaga ang nasawi sa nangyaring sunog sa Salem Street, Barangay Kalawag 2, Isulan sa Sultan Kudarat.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Isulan, bigla umanong nagliyab ang boarding house kung saan nakatira ang mga biktima.
Dahil sa laki ng apoy ay hindi na nakalabas ng buhay ang dalawang bata at isang dalaga na kaka-graduate lang sa kolehiyo.
Naabo na ang bahay nang abutan ng mga bombero dahil gawa lang ito sa kahoy o light materials.
Samantala sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Lieutenant Colonel Junie Buenacosa, hepe ng Isulan-Philippine National Police, kinilala ang mga nasawi na sina Sweetzel Mae Natabio, 22-anyos na fresh graduate mula sa Sultan Kudarat State University; at ang mga menor de edad na sina Prince Ryan Gillona, at Julliane Heart Hitalia, kapwa limang taong gulang.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng BFP at pulisya sa Isulan. (with report from Bombo Koronadal)