BUTUAN CITY – Dumulog sa Bombo Radyo Butuan ang tatlong mga lalaking inimbitahan ng pulisya sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte may kaugnayan sa brutal na pgpatay sa isang Small Town Lottery (STL) teller nitong Biyernes ng gabi.
Ito’y upang isumbong ang ginawa umanong pananakit ng hepe ng pulisya sa kanila, aminin lamang daw nila ang krimeng hindi sila ang gumawa.
Ayon sa mga biktimang sina Belly Francis, 48, residente ng Purok 3-A, Brgy. Manapa; Eric Gamalo, 32-anyos, Rene Sabio, 22-anyos, parehong binata at residente ng Brgy. Poblacion 1, bayan ng Tubay, isinubo sa kanilang bibig ni P/Cpt. Chad Kiat-ong ang bunganga ng kanyang baril, at matapos ay pinagtatadyakan, sinigaw-sigawan at hinamon pa raw sila ng barilan sa loob mismo ng police station.
Kaagad namang kinunan ng panig ng Bombo Radyo si Kiat-ong kung saan dali nitong dinipensahan ang kanyang sarili ngunit pinutol naman ang interview nang tanungin ng isa sa mga reklamante kung bakit niya ginawa ito sa kanila.