Nakahanda ang gobyerno ng Pilipinas na ipadala ang Philippine Emergency Medical Assistance Teams (PEMAT) para tumulong sa pagresponde kasunod ng tumamang magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar at Thailand.
Ayon kay Health spokesperson ASec. Albert Domingo, agad inatasan ni Health Sec. Ted Herbosa ang nasa tatlong PEMAT na mag-standby para sa deployment sa oras na nakumpleto na ang mga kinakailangang international coordination protocol para sa deployment sa mga apektadong bansa.
Patuloy din aniya ang pakikipag-ugnayan ng ahensiya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa karagdagang mga direktiba habang nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa mga karatig na bansang tinamaan ng 7.7 magnitude na lindol.
Samantala, tinukoy ni ASec. Domingo ang 3 PEMAT na handang ipadala para sa humanitarian medical assistance na kinabibilangan ng PEMAT Metro Manila, PEMAT Luzon, at PEMAT Visayas. Ang mga ito ay kinikilala aniya para sa international humanitarian deployment. Ginawaran din ang mga ito ng WHO Emergency Medical team badge.
Kung matatandaan nauna nang idineploy ng Department of Health (DOH) ang mga miyembro ng PEMAT mula sa Jose B. Lingad Memorial General Hospital (PEMAT Luzon) at Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (PEMAT Metro Manila) sa Turkey matapos tumama noon ang malakas na 7.8 magnitude na lindol noong Pebrero 2023. Kamakailan din, ang Eastern Visayas Medical Center (PEMAT Visayas) ay nag-organisa na rin ng kanilang sariling team.
Matatandaan na tumama ang 7.7 magnitude na lindol malapit sa ikalawang pinakamalaking siyudad ng Myanmar na Mandalay pasado tanghali, kahapon, Marso 28 na naramdaman din si Bangkok, Thailand. Kumitil naman na ito sa 694 katao sa Myanmar base sa kumpirmasyon ng military junta at daan-daan ang nasugatan habang nagpapatuloy pa rin ang search and rescue operation sa mga nawawala na na-trap sa mga gumuhong gusali.
Pinangangambahan naman na papalo pa ang death toll ng hanggang 10,000 katao base sa pagtaya ng US geological survey.
Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay ang gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga biktima ng lindol sa Myanmar at Thailand. Sa ngayon, walang mga Pilipino ang napaulat na nasawi sa tumamang lindol sa 2 bansa subalit patuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga Filipino communities doon para masuri ang kanilang kalagayan.
Ayon kay DFA USec. for Migrant Workers Affairs Eduardo De Vega, mayroong 600 Pilipino sa Myanmar habang nasa 29,000 Pilipino naman ang nasa Thailand. Kapwa malayo ang mga ito mula sa episentro ng lindol.