-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Ilang oras mula ngayon, malinaw na makikita mamayang gabi sa kalawakan ang planetang Venus dahil sa conjunction o paghilera nito sa ating moon o buwan.

Ayon kay Glaiza Zambrano ng Philippine Atmospheric, Geophysical, Astronomical Services Administration (Pagasa-Butuan), makikita rin sa kalawakan ang conjunction ng mga planetang Venus, Saturn at Jupiter.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Zambrano na kahit gabi-gabing nakikita ang planetang Venus ngunit ngayong gabi ay masasaksihan ang pinakamaliwanag nitong imahe sa magnitude -4.7.

Habang bukas, Disyembre 8, masasaksihan din ang conjunction ng buwan sa mga planetang Saturn at Venus.

Sa Disyembre 9 naman ang conjunction ng buwan sa mga planetang Jupiter, Saturn at Venus na makikita kung walang kaulapan.

Paliwanag ng Pagasa, ang mga paghilerang ito ay walang epekto sa lagay ng panahon dahil magbibigay lamang ito ng magandang tanawin sa kalawakan at magbibigay din ng historical event ngayong taon.