Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng franchise, tatlong mga players ng Los Angeles Clippers ang umiskor ng 30 points isang araw matapos ang masaklap na pagkatalo ng koponan sa Memphis Grizzlies.
Mula sa bench ay bumuslo ng 34 points si Montrezl Harrell, at may tig-32 points naman sina Lou Williams at Paul George para buhatin ang Clippers patungo sa 135-132 paglusot sa New York Knicks.
Batay sa datos, ito rin ang unang beses na may dalawang players na nagtala ng 30 points mula sa bench sa isang regulation NBA game mula noon pang 1970-71 season.
“Montrezl and Lou were fantastic. History is good. Someone has to make it,” ayon kay Clippers coach Doc Rivers.
Angat pa sa 15 puntos ang Los Angeles sa huling bahagi ng third quarter at 121-110 sa huling 7:06 ng laro nang ma-foul out si George.
Dito ay bumirada ng walong magkakasunod na puntos ang New York upang tapyasan sa tatlong puntos ang lamang ng Clippers.
Bumawi ng puntos ang Los Angeles nang maipasok ni Williams ang kanyang floating jumper sa natitirang 18.5 seconds para gawing 133-128 ang iskor.
Bagama’t naipasok ni Marcus Morris, na nanguna sa New York na bumuslo ng career-high na 30 points, ang jumper sa huling 10.4 segundo para ibalik sa tatlo ang abanse ng Clippers, hindi na nila nagawang makahabol pa matapos sumwak ang dalawang free throws ni Williams para selyuhan ang tagumpay ng Los Angeles.
“It was one of the wilder games that I have been a part of,” ani Knicks coach Mike Miller. “We put together a big first quarter and then it flipped. But we showed grit to stay in the game and put ourselves in position at the end.”
Mananatili sa Los Angeles ang Knicks na makakasagupa ang Lakers sa Miyerkules.
Dadayuhin naman ang Clippers ng Golden State Warriors sa Sabado.