-- Advertisements --
PMA

Itinuturing nang suspek ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na may kinalaman sa pagkamatay ni 4th Classs Darwin Dormitorio dahil sa hazing.

Ayon kay Baguio City police chief, Col. Allen Rae Co, patung-patong na kaso ang kahaharapin ng mga suspek.

Inihayag din ni Rae na mismong mga kapwa kadete ng biktimang si Dormitorio ang nagdiin na ang tatlo nilang upper classmen ang nasa likod ng hazing.

Maging si Cordillera regional police director Brig. Gen. Israel Emphrain Dickson ay tinukoy din ang ang dalawang second class at isang 1st class cadet na umano’y nasa likod ng hazing.

Bukod sa tatlong kadete may dalawang kadete pa na suspek ang kanilang tinukoy na persons of interest.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, tatlong beses nagpabalik-balik sa PMA station hospital si Dormitorio mula noong August 22 hanggang September 6 kung saan nakitaan ito ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Pinag-aaralan na rin ng PNP kung may pananagutang kriminal ang doktor ng PMA na tumingin sa biktima na nagtago sa tunay na medical condition ni Dormitorio.

Samantala, ayon naman kay PMA spokesperson Maj. Reynan Afan, nakapokus sila ngayon sa imbestigasyon para masigurado na ang lahat ng sangkot ay mananagot sa batas.

Sinabi ni Afan, dalawang kadete ang nakakulong ngayon sa kanilang stockade habang ang isa ay nasa holding center.

Hinahanda na rin sa ngayon ng PMA ang pagsasampa ng administrative case laban sa mga kadeteng sangkot sa panibagong hazing.