Sinelyuhan ng go-ahead 3-pointer ni Kevin Durant sa nalalabing 36 na segundo ng laro ang 125-123 pagtakas ng Brooklyn Nets sa Milwaukee Bucks.
Humagod ng double-double na 34 points at 12 assists si James Harden upang pamunuan ang Nets, na nakakuha rin ng suporta kay Durant na nagpamalas ng 30-pointer, nine-rebound performance.
Dahil sa panalong ito, nakamit na ng Brooklyn ang kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Sa panig ng Bucks, nabalewala ang 34 points, 12 rebounds at pitong assists na pinakawalan ni Giannis Antetokounmpo.
Nagdagdag ng 25 points si Khris Middleton para sa Milwaukee, na natuldukan na rin ang four-game winning streak.
Mistulang inalat si Harden sa first half na tumipon lamang ng 11 points, ngunit bumawi naman ito sa second half ng laban.
Samantala, ito naman ang ikapitong sunod na pagkakataon na hindi naglaro si Kyrie Irving dahil sa personal na rason.
Ayon naman kay coach Steve Nash, posibleng magbalik na si Irving sa laro sa Huwebes (Manila time) kontra sa Cleveland.