Pinatitiyak ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar na disqualified at sampahan ng kaso ang mga police recruits na nagsumite ng pekeng RT-PCR test results.
Ito’y matapos madiskubri na may tatlong police applicants na nagsumite ng pekeng RT-PCR test results sa nagpapatuloy na recruitment sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR).
Ayon kay Eleazar, tatlo sa 66 na aplikante sa PRO BAR ang disqualified na at ngayon ay nasampahan na ng kasong kriminal.
Nasa 45 na iba pang police applicants sa Lanao del Sur ay patuloy na iniimbestigahan.
Sinabi ni PNP Chief na inamin ng ilang police applicants na hindi sila sumailalim sa swab test at nagbayad lamang ng 500 pesos para makakakuha pekeng RT PCR result.
Habang ang iba naman ay sumailalim sa swab test pero hindi raw nila alam na peke ang isinumite nilang RT PCR result kaya sila ay subject ngayon sa imbestigasyon.
Ayon kay Eleazar magsilbi sanang leksyon sa iba pang aplikante ang insidenteng ito para hindi ma disqualify at maharap sa imbestigasyon.
Kinakailangan aniyang gawin ang tama at sumunod sa proseso sa pag-aapply sa PNP.