VIGAN CITY – Inaasahang magbabalik na sa normal ang operasyon ng tatlong planta sa Central Luzon na naapektuhan ng nakalipas na pagyanig noong nakaraang linggo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Director Mario Marasigan ng Electric Power Industry Management Bureau ng Department of Energy, sinabi nito na ang mga nasabing planta na lamang ang hindi pa nakakabalik sa normal na operasyon mula sa mga plantang naapektuhan ng nasabing pagyanig.
Aniya, makakatulong umano ang pagbabalik sa operasyon ng tatlong planta sa pagtaas ng suplay ng koryente sa Luzon na nitong mga nakalipas na araw ay pabalik-balik sa red alert dahil sa manipis na suplay.
Ipinaliwanag nito na hindi naman umano malala ang epekto ng lindol sa mga nasabing planta ngunit dumaan ang mga ito sa masusing inspeksyon upang masiguro na hindi naapektuhan ang transmission at distribution lines bago ang pagbabalik ng kanilang operasyon nang sa gayon ay hindi mas malaki ang magiging masamang epekto nito sa hinaharap.