-- Advertisements --

Naghahanda na ang Malacañang para sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Hulyo.

Sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles, itinakda nila ang tatlong magkakasunod na linggong pre-SONA forum kung saan iikot ang mga miyembro ng gabinete sa iba’t ibang rehiyon sa bansa para ipaliwanag at ilatag sa mga tao ang mga nagawang accomplishments ng Duterte administration.

Ayon kay Sec. Nograles, gaganapin ang unang pre-SONA forum sa Hulyo 1 sa Philippine International Convention Center (PICC) na pangungunahan ng economic development and infrastructure clusters nina Finance Sec. Carlos Dominguez at Public Works Sec. Mark Villar.

Sa Cebu naman gagawin ang ikalawang forum sa Hulyo 10 na pangungunahan naman ng participatory governance, human development and proverty reduction clusters na pinamumunuan ni Interior Sec. Eduardo Año.

Ang ikatlong pre-SONA forum ay gagawin namansa Davao sa Hulyo 17 na pangungunahan ng climate change cluster at security, justice and peace cluster nina Environment Sec. Roy Cimatu at Defense Sec. Delfin Lorenzana.

Magugunitang ito ang ikalawang beses na nagsagawa ng tatlong araw na pre-SONA forum ang gobyerno.

Ang unang beses ay noong isang taon na ginawa rito sa Metro Manila.