-- Advertisements --

Tatlong preso ang patay, isa ang sugatan habang 10 ang nakatakas sa naganap na jail break kaninang madaling araw sa Jolo Municipal Provincial Jail, probinisya ng Sulu.

Ayon kay ARMM regional police director, CSupt. Reuben Theodore Sindac na bandang ala-1:00 kaninang madaling araw ng maganap ang jail break kung saan nasa 38 preso ang nakatakas.

Pero ayon kay Sindac, dahil sa mabilis na pagresponde ng mga pulis nahuli ang mga ito na naging resulta sa pagkamatay ng tatlong inmates habang isa ang sugatan.

Pagtiyak ni Sindac na nagpapatuloy hanggang sa ngayon ang hot pursuit operations ng Jolo Municipal Police Stations, PPSC at RPSB. laban sa 10 inmates na nakatakas.

Pahayag ng heneral na tumutulong din sa kanila ang militar sa Sulu sa pagtugis sa mga nakatakas na preso.

Samantala, iniimbestigahan na ng PNP ARMM at SOCO  ang jail break incident sa Jolo.

Ayon kay Sindac, tumutulong din ang AFP kung saan kanilang idineploy ang kanilang K-9 dogs at drones para alamin ang kinaroroonan ng mga nagsitakas na preso.

Samantala, ayon naman kay Sulu Police Provincial Director SSupt. Mario Buyucan na halos sa mga preso na tumakas sa Jolo Municipal Jail ay nahaharap sa kasong illegal drugs habang ang iba ay miyembro ng bandidong Abu Sayyaf.

Sinabi ni Buyucan na nilagare ng mga preso ang bakal na rehas sa kanilang kulungan at saka tumakas.