DAVAO CITY – Nasa tatlong mga pribadong ospital sa Davao del Sur ang tumigil na sa kanilang operasyon matapos na hindi umano sila binayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga claims para sa nasabing mga bahay pagamutan.
Ayon kay Dr. Jose de Grano, head ng Private Hospital Association of the Phillipines Incorporated (PHAPI) na maliban sa ilang hospital sa Davao del Sur na hindi niya pinangalanan, may naitala rin umano silang isang ospital sa Samar ang nagsara na rin.
Sa kasalukuyan, dinala na sa ibang health care facilities ang mga pasyente sa nagsarang mga ospital habang naghahanap naman ng ibang trabaho ang olang mga staff nito.
Dagdag pa ni De Grano na nasa mga miyembro pa rin nila na mga ospital ang desisyon kung tatapusin na nila ang kanilang membership sa PhilHealth.
May kaugnayan pa rin ito sa isyu sa kaguluhan kung saan may ilang ospital sa Luzon ang nagpahayag na mag-withdraw sa kanilang PhilHealth accreditation dahil matagal umano itong magbayad sa kanilang obligasyon.
Kung maalala, una ng pinaalalahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasbaing ahensiya na bayaran agad ang kanilang utang sa mga ospital.