DAVAO CITY – Tatlong mga private medical hospitals sa lungsod ng Davao ang tinitingnan ngayon ng lokal na pamahalaan na puwedeng tumanggap ng mga pasyente na nagpositibo sa coronavirus sakaling tumaas pa ang kaso nito sa susunod na mga araw.
Inihayag ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte, nakausap na niya ang pamunuan ng naturang mga medical facilities na manatili lamang na naka-standby sakaling hindi na kayanin ng mga pasilidad ng Southern Philippines Medical Center ang lumolobong bilang ng mga pasyente ng COVID-19.
Pero hindi na muna pinangalanan ni Mayor Sara kung ano ang naturang mga private hospitals.
Una nang umapela ang alkalde sa mga private hospitals na huwag tumanggap ng mga pasyente na mayroong coronavirus upang maiwasan ang kontaminasyon sa kanilang pasilidad at mga health workers, bagkus i-refer ang mga ito sa SPMC bilang tanging ospital na tatanggap ng mga pasyente mayroong sakit.
Inaasahan na umano ng lokal na pamahalaan na aakyat pa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 dahil sa mas pinaigting pang case finding at random testing.
Sa ngayon, nakapagtala na ng 108 COVID-19 cases, 19 deaths at 57 recovered patients ang Davao City.