-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umabot sa tatlong probinsiya sa Socsksargen ang apektado ng malawakang baha, buhawi at landslide dulot ng sunod-sunod na pagbuhos ng ulan sa rehiyon.

Ito ang inihayag ni Ms. Jorie Mae Balmediano, Information Officer ng OCD 12 sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kabilang sa mga probinsiya na apektado ang South Cotabato, North Cotabato at Sultan Kudarat.

Ayon kay Balmediano, nasa higit 1000 pamilya ang inilikas sa kasagsagan ng baha sa mga bayan ng Lambayong, Lutayan at Tacurong City sa Sultan Kudarat.

Samantala, nasa higit 600 pamilya din ang naapektuhan ng baha sa mula sa lungsod ng Koronadal, Norala at Tampakan sa lalawigan ng South Cotabato.

Maliban dito, nasa halos 400 pamamahay naman ang sinira ng buhawi sa mga bayan ng M’lang at Tulunan sa North Cotabato kung saan inaalam pa sa ngayon kung ilan ang partially o totally damage sa nabanggit na bilang.

Dalawang bayan din ang binaha sa North Cotabato na kinabibilangan ng Magpet at Kabacan kung saan may daan-daang pamilya din ang lumikas sa kanilang tahanan na agad nakabalik matapos na bumaba ang baha.

Sa ngayon, inaalam pa ng bawat LGUs at DRRM ng mga probinsiya ang kabuuang pinsala sa bahay ng mga residente, mga pananim ng magsasaka o sa agrikultura at sa mga nasirang imprastraktura.