-- Advertisements --

DAVAO CITY – Kinumpirma ng Department of Health (DOH)-11 na patay na ang tatlong mga patients under investigation (PUI) dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) habang hinihintay ang kanilang resulta mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Inihayag ni Dr. Anabelle Yumang, DOH-11 director, dalawa sa naturang mga pasyente ay pareho nang mayroong dating mga sakit bago pa man bawian ng buhay.

Ang unang pasyente, na isang 68-anyos, ay nagkaroon na ng lagnat at ubo at mayroon umanong bladder cancer stage 4.

Sanhi raw ng kanyang sakit ay uremic sepsis secondary to complicated urinary tract infection.

Samantala, ang 71-anyos na isa pang biktima ay mayroon umanong travel history sa Laguna at Metro Manila at dumating sa siyudad noong March 9.

Dagdag pa ni Yumang na ang ikatlong pasyente ay isang 68-year-old Korean businessman na mayroong travel history sa Riyadh, Saudi Arabia at Manila at dumating noong Marso 9 sa bansa.

Sinabi ng DOH-11, ang tatlong fatalities ay kasama sa 54 PUIs sa rehiyon na naka-confine sa Davao Regional Medical Center (DRMC) sa Tagum City at Southern Philippines Medica Center (SPMC) sa lungsod ng Davao.

Sa ngayon, hinihintay pa umano ng DOH -11 ang resulta ng mga tests sa mga biktima upang malaman kung infected ba ang mga ito ng COVID-19.