Tatlong pulis mula sa Caloocan City Police Station ang naaresto noong Sabado dahil sa umano’y pangingikil ng “visitation fees” mula sa mga pamilya ng mga detainee, ayon sa Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa ulat ng IMEG, kabilang sa mga naaresto ang isang police major na custodial supervisor at dalawang custodial officers — isang master sergeant at isang patrolman.
Naaresto ang tatlo sa isang entrapment operation bandang alas-4:15 ng hapon. Reklamo ng mga pamilya ng detainee, sinisingil sila ng P1,500 kada pagbisita, na hinati sa P200 entrance fee, P550 waiting area fee, at P100 para sa pagkain ng mga nakakulong.
Kinolekta umano ang pera sa tulong ng isang civilian cohort o “jail mayor,” habang nasa loob ng Caloocan CPS.
Nakuha rin sa mga suspek ang mahigit P4,000 halaga ng salapi. Dinala sila sa IMEG headquarters sa Camp Crame para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.