Lumutang ngayon sa Senado ang tatlong mga pulis mula sa Caloocan City na inakusahang nakapatay sa 17-anyos na si Kian Lloyd delos Santos sa drug operations.
Ang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ay kasunod nang pag-ani ng kontrobersiya na umano’y sinadyang pinatay ng mga pulis si Kian noong August 16.
Una nang nagsagawa ng privilege speech sina Sens. Bam Aquino, Risa Hontiveros at Manny Pacquiao na imbestigahan ang pangyayari lalo na at naiulat din ang umano’y serye ng extra-judicial killings sa ilang lugar sa Metro Manila at kalapit na lugar bunsod nang pinaigting na kampanya ng pulisya sa iligal na droga.
Humarap ang mga inaakusahang pulis na sina P03 Arnel Oares at P01 Jeremias Pereda at Jerwin Cruz, pawang mga tauhan ng Caloocan City Police Office.
Noong una, tumanggi ang mga itong magsalita sa mga katanungan ng mga senador kahit binigyan ng abogado mula sa Senado.
Sa huli may dumating na abogado para sa mga pulis.
Ang mga ito ay nauna na ring inalis sa kanilang pwesto o inilagay sa restrictive custody habang iniimbestigahan.
Sa inisyal na testimonya ni Chief Insp. Amor Cerilo, ang police community precinct commander, si Oares daw ang bumaril kay Delos Santos batay na rin sa ballistic examination ng mga slugs na narekober sa pinangyarihan ng insidente.
Para kay Cerilo, lumalabas na sangkot daw sa transaksiyon sa iligal na droga si Kian batay sa narekober daw na cellphone, social media at sa isang alias Nono.
Sa spot report din daw ng arresting officers, may oplan galugad sa Barangay 160, Caloocan City at nagkaroon umano ng putukan kaya gumanti ang mga pulis.
Ang pamilya ni Kian at mga kaibigan ay una nang iginiit na hindi sangkot sa droga si Kian.
Lumalabas din sa CCTV video na kinakaladkad ng mga pulis ang binatilyo na magkaiba naman sa spot report.
Si C/Insp. ay kabilang sa naunang ni-relieve rin sa puwesto.
Nang magsalita naman si Cruz, kanyang ipinaliwanag na ang kanilang kinaladkad na makikita sa CCTV ay hindi raw si Kian kundi ang kanilang asset na nais nilang protektahan sa operasyon para hindi makilala.