Tatlong police officers kabilang ang isang graduating cadet ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang nasa alanganin ngayon matapos mag positibo sa shabu sa isinagawang random drug test.
Ito ang kinumpirma ni PNP chief Gen. Debold Sinas.
Agad namang ipinag-utos ni Sinas ang gagawing pre-charge investigation and summary dismissal proceedings laban kay Cadet 1st Class John David Macagba ng PNPA, Patrolman Christian Laganzon ng Ligao City Police Station at NUP Giovanni Adulta ng Tabaco City Police Station.
Dahil sa pambubugbog sa isang miyembro ng PNPA Cadet Corps ng kaniyang tatlong kaklase na pawang mga graduating students noong New Years Eve, ipinag-utos ni Sinas ang unannounced drug testing sa buong graduating class ng 2021.
Ayon kay PNPA director BGen. Steve Ludan sa 262 graduating cadets, 260 ang sumailalim sa drug testing at tanging si Macagba ang bumagsak sa urine test kung saan nakitaan siya ng traces ng shabu.
Batay naman sa datos ng PNP Crime laboratory, sa taong 2020 nasa 173,133 random drug testing na ang kanilang isinagawa kung saan 46 pulis ang nagpositibo sa iligal na droga.