LAOAG CITY – Sinampahan ng Provincial Internal Affairs Service (PIAS) ng Ilocos Norte Police Provincial Office ng reklamong grave misconduct ang hepe ng PNP-Pasuquin at dalawa pa nitong kasamahaan.
Kinumpirma ni Major Rodolfo Olinda Jr., ang pinuno ng Provincial Internal Affairs Service na naisampa ang kaso dahil sa pagkabaril kay Reynaldo Rapol habang isinasagawa ang illegal gambling operation sa Barangay Davila, bayan ng Pasuquin.
Nakilala ang mga pulis na sina Lt. Ralph Dayag, ang hepe sa nasabing bayan at sina Staff Sergeant Marawi Torda at Patrolman Robin Andres.
Sinabi nito na isinampa nila ang kaso dahil sa mga nakalap nilang ebidensya tulad ng medico legal certificate ni Doctor Frankie Albano ng Governor Roque Ablan Senior Memorial Hospital (GRASMH).
Una nang sinabi ni Dayag na ang sugat ni Rapol ay nakuha nito sa pagtakbo at pagtatago para hindi umano mahuli.
Ngunit napag-alaman na sa ibinigay ng doktor na medico legal certificate sa PIAS ay nakasaad na multiple gunshot wounds ang tinamo ng biktima ngunit sa inilabas ng PNP-Pasuquin ay natanggal ang tunay na dahilan kung bakit naospital ang binata.
Lumalabas pa na noong isinagawa ang operasyon ay nakainom umano ng alak ang mga pulis.