ROXAS CITY – Nalagay ngayon sa kontrobersiya ang tatlong kasapi ng Sapi-an Municipal Police Station sa lalawigan ng Capiz matapos inireklamo ng isang ginang ng pananakit sa kanyang mister.
Sa interview ng Bombo Radyo kay Anjovelyn Diestro, 51-anyos, tubong Barangay Damayan, Sapian, Capiz, humingi ito ng responde sa mga pulis dahil lasing ang mister na si Jolito Diestro at sinisira ang mga gamit sa kanilang bahay.
Kaagad nagresponde si PMSgt. Allan Occeño at dalawang kasamahan nito at kinausap si Jolito na sumama sa kanila.
Ayon sa ginang na nakita niyang sinuntok at sinipa ni Occeño ang kanyang mister matapos nagmatigas na sumama sa mga pulis sa presinto.
Nasa loob na ng WCPD si Mrs. Diestro habang nasa labas ng tanggapan ang mister ng makita niyang sinipa ito ni Police officer Occeño.
Hindi pa umano nakuntento si Occeño at pinagtulungan nilang suntukin ng kasamang pulis si Jolito kaya humingi ng tulong ang ginang sa ibang mga pulis.
Dahil sa pangyayari ay sumama ang pakiramdam ng mister at kaagad na dinala sa ospital para magpagamot sa natamong sugat.