LAOAG CITY – Iniimbestigahan na ng Ilocos Norte Police Provincial Office at Police Regional Office ang tatlong pulis sa Pasuquin Municipal Police Station matapos umanong manakit at tinutukan ng baril ang isang lalaki sa loob ng presinto.
Ayon kay P/Maj. Sheryl Guzman, tagapagsalita ng Ilocos Norte Police Provincial Office, ang mga pulis na sangkot sa insidente ay may ranggong Patrolman, Police Corporal at Police Master Sergeant.
Sabi niya nang magtungo sa istasyon ang isang pamilya upang maghain ng reklamo kaugnay sa brutal na pag-atake sa kanilang stepfather.
Paliwanag niya na sa halip na matulungan, sila umano ay nakaranas ng karagdagang karahasan mula sa mga pulis.
Makikita sa video ang mga pulis na sinisipa ang nasabing stepfather, na noo’y may iniinda nang sugat mula sa naunang pag-atake.
Sa mas nakakabahalang eksena, isang pulis ang itinutok umano ang baril sa isang menor de edad na nagmamakaawa sa kanyang ama na huwag lumaban.
Kaugnay nito, humingi ng paumanhin si P/Col. Frederick Obar, Provincial Director ng Ilocos Norte Police Provincial Office sa publiko ukol sa nangyaring insidente at nangakong magiging patas ang isinasagawang imbestigasyon.
Una rito, ayon sa press statement ni PBGen. Lou Evangelista, Regional Director ng Police Regional Office I na may kautusan siya para sa mas malalim na imbestigasyon at malalagot sa batas ang may sala.
Sa ngayon, na-relieve muna ang mga sangkot na pulis kabilang si P/Maj. Jonevale Maramag ang Hepe ng Pasuquin Municipal Police Station habang gumugulong ang imbestigasyon.