-- Advertisements --

Arestado ang tatlong mga pulis at isang sibilyan sa isinagawang operasyon ng PNP Counter Intelligence Group (PNP CITF) at Intelligence Group (IG) bandang alas-9:15 kagabi sa Valenzuela City Police Station.

Ayon kay PNP CITF chief S/Supt. Romeo Caramat, sangkot umano sa extortion ang tatlong pulis kung saan target ng mga ito ang mga junkshop owners sa lugar.

Sinabi ni Caramat, nag-ugat ang kanilang operasyon mula sa ibinigay na intelligence package ng PNP-IG kung saan nasa P200 hanggang P500 ang kinokolekta gabi-gabi ng mga kotongerong pulis kasama ang kasabwat nilang sibilyan.

Kinilala ni Caramat ang mga naarestong pulis na sina SPO4 Seraffin Adante, PO1 Ryan Paul Antimaro, PO1 Rey Harvey Florano at isang Amado Baldon Jr.

Nakuha sa kanilang posisyon ang P200 marked money at iba pang mga bills na may iba’t ibang denominations.

Nasa kustodiya ngayon ng PNP CITF sa Kampo Crame ang mga sangkot na pulis.

Sasampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga pulis kasama ang kasabwat na nahaharap naman sa kasong kriminal.