-- Advertisements --
ambush3

Tatlong pulis ang sugatan matapos tambangan ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bahagi ng Mabaho Road, Brgy. Cablawa, bayan ng Mansalay sa Oriental Mindoro.

Sa report na inilabas ng Police Regional Office 4B o MIMAROPA, nanggaling sa pagpapatrulya ang ang mga nasabing pulis nang sila ay paulanan ng bala.

Kinilala ang mga sugatan na sina P/Cpl. Vincent Dominguez, P/Cpl. Michael Librea at Pat. Norman Alvaro.

Nabatid na pabalik na sana sa kanilang kampo ang patrol jeep lulan ang limang pulis mula sa 403rd Mobile Company ng Regional Mobile Force Batallion dakong alas-11:30 kaninang umaga nang mangyari ang pananambang.

Agad isinugod sa ospital ang mga sugatan habang masuwerteng nakaligtas ang dalawang iba pang pulis.

Pero hindi p nakontento ang mga rebelde sinunog pa nila ang sasakyan ng mga pulis.

Mariin namang kinondena ni MIMAROPA PNP director B/Gen. Pascual Muñoz ang ginawang pananambang ng mga NPA sa kaniyang mga tauhan kaya’t mahigpit nitong ipinag-utos ang pagtugis sa mga rebeldeng nasa likod nito.

Sa ngayon ongoing ang manhunt operation ng PNP laban sa mga rebelde.