KALIBO, Aklan – Isinailalim ng lokal na pamahalaan ng Kalibo, Aklan sa 14 araw na surgical enhanced community quarantine (SECQ) ang ilang bahagi ng bayan simula alas-12:01 kaninang madaling araw at magtatapos sa Enero 30.
Batay sa tala ng Municipal Health Office (MHO)-Kalibo, simula Enero 15 ay may 13 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Purok 2, 3 at 4 sa C. Laserna Street sa Poblacion na karamihan ay may unknown exposure.
Aminado si Barangay Kagawad Mark Sy na itinaon nila ang pagpapatupad ng SECQ sa bisperas ng Ati-Atihan Festival upang maiwasan ang mga pagbisita sa lugar para sa kapistahan.
Maliban dito, pinalawig pa ang curfew hour sa buong C. Laserna na isang congested area na sa halip na alas-9:00 ng gabi ay ginawang alas-7:00 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.
Bawal rin ang alak sa lugar habang umiiral ang SECQ.