VIGAN CITY – Naghahanda na umano ang Department of Health (DOH) sa tulong ng United Nations Children’s Fund at World Health Organization sa isasagawang sabayang patak o bakuna laban sa sakit na polio sa Mindanao.
Ito ay bilang agarang hakbang laban sa polio outbreak matapos na makumpirmang mayroong dalawang kaso ng nasabing sakit sa bansa matapos ang 19 na taon na pagiging polio-free ng Pilipinas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Health Undersecretary spokesman Eric Domingo na ang target nilang bakunahan ay ang mga batang edad lima pababa upang mabigyan sila ng proteksyon laban sa polio.
Aniya, tatlong rounds ng sabayang patak kontra polio ang kanilang isasagawa kung saan ang unang round ng pagbabakuna ay gaganapin sa darating na October 14 hanggang October 27 sa Davao City at Davao Del Sur.
Gaganapin naman ang ikalawang round sa November 25 hanggang December 7, 2019 sa lahat ng rehiyon sa Mindanao, habang ang ikatlong round ay sa January 6 hanggang 18 sa susunod na taon sa lahat ng rehiyon sa Mindanao.
Ayon sa opisyal ng DOH, hindi lamang ito basta vaccination kundi kailangan na lahat ng bata ay mabigyan ng oral polio vaccine.
Nilinaw pa nito na hindi dapat mag-alala kung pabalik-balik na mabigyan ng bakuna ang mga bata dahil wala itong overdose at libre naman.
Mas mabuti aniya ito kung tutuusin sa kalusugan ng bawat bata lalo sa gitna ng polio outbreak sa bansa.