Nakatakda nang isumite ng PNP Makati sa prosecutor’s ang autopsy at toxicology report ngayong araw kaugnay ng panggagahasa at sinasabing pagkamatay ng Philippine Airlnes (PAL) attendant na si Christine Angelica Dacera, 23.
Kasunod na rin ito ng pagsasampa ng PNP ng provisional rape at homicide charges laban sa 11 suspek.
Ayon kay Makati City Police Chief Col. Harold Dipositar, provisional lamang ang mga naisampang kaso sa mga suspek dahil kailangan pa raw kasing hintayin ng prosecutor’s office ang autopsy at toxicology report ng biktima.
Sa ngayon, hawak na ng PNP ang tatlong suspek na sina John Pascual Dela Serna, 27; Rommel Daluro Galido, 29 at Paul Reyes Halili, 25.
Ang tatlong suspek at si Dacera ay magkakasama raw na nag-check in sa City Garden Hotel dito sa lungsod ng Makati dakong alas-12:30 ng madaling araw noong Enero 1.
Sinabi ni Col. Dipositar na ang tatlong suspek ay kilala mismo ng biktimang si Dacera habang ang walong iba pa ay ipinakilala lamang sa kanya ng kanyang mga kaibigan.
Kabilang dito sina Gregorio Angelo de Guzman, Loui de Lima, Clark Jezreel Rapinan, Rey Englis, Mark Anthony Rosales, Jammyr Cunanan, Valentine Rosales at isang Ed Madrid at isang nagngangalan lamang ng Paul.
Bagamat tatlo lamang daw ang direktang kakilala ng biktima ay isinali na rin nilang sinampahan ang walong iba pa na kasama sa party sa naturang hotel sa Makati.
Ang mga suspek kasama ang mga biktima ay nag-rent ng dalawang magkatabing hotel room at dito isinagawa ang party noong Bagong Taon bago natagpuang wala nang malay ang biktima sa bathtub ng hotel room.
Unang lumabas sa inisyal na imbestigasyon na ruptured aortic aneurism o ang pagnipis ng blood vessel at paglobo nito ang ikinamatay ng biktima pero mayroon daw mga contributed factors na posibleng ikinamatay ni Dacera.
Lumabas din kasi sa imbestigasyon na mayroong lacerations o sugat at sperm sa kanyang genitalia o sa ari ng biktima.
Kabilang naman daw sa 11 suspek ay mga bakla at bisexuals na inimbitahan sa party.
Base sa CCTV footage na nakuha ng PNP sa naturang hotel, ang lahat daw ng mga dumalo sa party ay lasing.