-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nakilala na ang tatlo sa limang mga pinaniniwalaang hijackers na napatay ng mga pulis sa Benguet matapos mauwi sa engkwentro ang hot pursuit operation sa mga ito, madaling araw ng June 30, 2021.

Batay sa report, nagtungo sa Police Regional Office Cordillera ang mga kamag-anak ng tatlo sa mga suspek at dinala nila ang mga ito sa punerarya kung saan nakalagak ang mga bangkay ng mga suspek.

Sa salaysay ng mga kamag-anak ng tatlo, sinundo ni Ryan Pangilinan si David Rapal Jr. sa kanilang tahanan sa San Fernando, Pampanga, umaga ng June 28 hanggang sa hindi na ito umuwi habang sa pagkaka-alam ng pamilya ni R Pangilinan ay nagtungo ito ng trabaho noong June 28 hanggang sa hindi na ito umuwi.

Sinabi din anila na ipina-alam ni Relly Castillo na magtatrabaho bilang truck helper ni Ryan Pangilinan noong June 27 hanggang sa hindi na rin ito umuwi.

Napag-alaman pa na magkasama sa selda sina David Rapal Jr. at Ryan Pangilinan sa San Fernando Provincial Jail dahil sa kasong paglabag sa RA 9165 at lumabas sila ng kulongan noong April 2021.

Sa ngayon, naiuwi na ang mga labi ng tatlo sa kanilang mga tahanan sa Pampanga habang patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pagkakakilalan ng dalawa pang suspek at sa iba pang anggulo ng insidente.

Maaalalang nangyari ang pag-hijack ng mga suspek sa isang wing van truck sa La Trinidad, Benguet habang nangyari ang engkwentro sa Tuba, Benguet nang pagbabarilin ng mga suspek ang mga humababol sa kanilang mga pulis na nauwi sa pagka-neutralize ng mga ito.