NAGA CITY – Patay ang tatlong hindi pa nakikilalang suspek habang nakatakas naman ang dalawang iba pa sa nangyaring operasyon ng mga awtoridad laban sa notoryos na tirador ng kalabaw sa Goa, Camarines Sur.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na bandang alas-3:30 ng madaling araw nang magsagawa ng operasyon ang mga awtoridad laban sa mga suspek sa Brgy. Pinaglabanan sa nasabing bayan.
Ang nasabing imbestigasyon ang nagresulta sa palitan ng putok sa pagitan ng mga awtoridad at ng mga suspek na nagresulta sa pagkamatay ng tatlo sa pitong suspek.
Sinubukan pa umano na tumakas ng isa pang suspek ngunit agad itong nadakip ng mga awtoridad at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital matapos na matamaan ng bala sa nasabing operasyon.
Samantala, nagtamo naman ng tama ng bala ng baril ang isang pulis na kinilalang si PSMS Ruben Pesigan Jr., na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal.
Pinaniniwalaan rin na ang mga suspek ang may kagagawan ng pagkawala rin ng mga kalabaw sa ibang pang mga kalapit na mga bayan sa nasabing probinsya.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.