VIGAN CITY- Sugatan ang limang katao, kasama na ang isang taong gulang na batang lalaki matapos ang karambola ng tatlong sasakyan sa national highway na sakop ng Barangay Laslasong West, Sta. Maria, Ilocos Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Police Captain Arcadio Viloria, hepe ng Sta. Maria municipal station, sinabi nitong patungo sa hilagang direksiyon ang tricycle na sinakyan ng mga biktimang sina Rolly Bernardez, 45; Mary Jane Bernardez, 41; Adrian Bolante, 18 at isang taong gulang na bata na pare-parehong residente ng Maoy, Bangued, Abra nang bigla na lamang banggain ng nakamotorsiklong si Leoniel Tero, 24 na taga-Mandaluyong City ang likurang bahagi ng tricycle.
Dahil dito, hindi nakontrol ni Rolly ang manibela ng tricycle kaya napunta ito sa kabilang lane kung saan hindi naman namalayan ng paparating na armoured vehicle na minaneho ni Teddy Raboy, 23 na taga-Mambug, Santiago kaya nabangga nito ang tricycle.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktimang nakasakay sa tricycle, kasama na ang driver ng motorsiklo na naapag-alamang miyembro ng isang motorcycle riders club.