CAUAYAN CITY- Inaresto ng mga lkasapi ng Cauayan City Police Station ang tatlong mag-aaral na naaktuhang gumagamit ng illegal na droga sa loob ng Cauayan City National High School Main.
Ang mga dinakip ay itinago sa mga pangalang Dandan, 19 anyos, Grade- 12; Nando, 18 anyos Grade-11, kapwa residente ng Banquero, Reina Mercedes,Isabela at si Jayson, 16 anyos, Grade-11 at residente ng San Fermin, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Capt Esem Galiza, Spokesperson ng Cauayan City Police Station, bago ang pangyayari ay nakatanggap ng tawag ang himpilan ng pulisya kaugnay sa mga mag-aaral na gumagamit ng ilegal na droga sa loob mismo ng Cauayan City National High School pangunahin na sa Science Park ng naturang paaralan.
Nauna rito kaagad na nagtungo sa lugar ang mga kasapi ng Cauayan City Police Station at nadatnan ang tatlong mag-aaral gumagamit umano ng illegal na droga pangunahin ang marijuana.
Nakuha sa pag-iingat ng mga pinaghihinalaan ang tinuping papel na naglalaman ng hinihinalang marijauna, isang ligther at aluminum foil na ginawang improvised na suwako.
Ang mga naturang pinaghihinalaan ay dinala sa Cauayan City Police Station at inaasahang mahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Maituturing na newly identified drug personality ang mga naturang kabataan na nadakip ng pulisya.