BUTUAN CITY – Iniulat ni Surigao del Sur Gov. Alexander ‘Ayek’ Pimentel na tatlong mga sibilyan ang patay sa ginawang pananambang ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa mga miyembro ng militar na tumulong sa paglikas ng mga mamamayan sa Surigao dahil sa bagyong Odette.
Dismayado ang gobernador dahil sa ganito umanong panahon, dapat magkaka-isa sana ang lahat sa pagligtas ng mga residenteng nasa mga flashflood at landslide prone areas, at hindi magpatayan.
Nakiusap si Gov. PImentel sa mga rebeldeng NPA na tigilan muna ang karahasang ginagawa nila sa pulisya at militar na tumutulong sa mga evacuation centers upang magiging matiwasay ang paglikas sa mga tao.
Kaagad namang kinondena ni Interior Usec. Jonathan Malaya ang nasabing insidente.
Kaugnay nito, nanawagan si Malaya sa mga komunistang terorista na unahin ang bansa bago ang kanilang pansariling interest ngayong may bagyong kinkaharap ang mamamayang Filipino.