-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umabot na sa tatlong Sitio sa Barangay Colonggulo sa bayan ng Surallah, South Cotabato ang apektado ng diarrhea o pananakit ng tiyan at pagsusuka dulot ng pinaniniwalaang kontaminadong inuming tubig.

Sa katunayan, sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Barangay Chairman Bobbly Ello, isang menor de edad na ang binawian ng buhay dahil sa dehydration at may tatlong pamilya na ang isinugod sa ospital dahil sa nasabing sakit.

Kinilala ang nasawi na si Marvin Tualang, 8, residente ng Sitio Villa Elleaga habang dinala naman sa ospital ang ama nitong si Kiting Tualang, kapatid nitong si Gina at ang isa pang kasama nila sa bahay na menor de edad.

Ayon kay Ello, una umanong dumanas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae ang mga biktima matapos na uminom umano ng tubig mula sa Balon.

Napag-alaman na ang source ng inuming tubig ng mga residente mula sa Sitio Villa Elaga, Matinong at Kalma ay mula sa balon at spring dahil wala pang water system sa kanilang lugar.

Ngunit nagsasagawa na sa ngayon ng assessment at validation ang Municipal Health Office ng Surallah kasama ang Provincial Health Office ng South Cotabato upang malaman kung ang inuming tubig ang pinagmulan ng sakit ng mga residente.

Napag-alaman na ang nabanggit na lugar ay nasa bulubunduking bahagi na ng lalawigan ng South Cotabato.