Nilinaw ng Toll Regulatory Board ng Department of Transportation (DOTr) na sa Pebrero 22 pa magsisimula ang three-strike policy sa cashless lanes sa mga tollways sa bansa.
Sa ngayon, ayon kay DOTr. Usec. Garry De Guzman ay isinasapinal pa nila ang 3-strike policy para sa mga motoristang paulit-ulit na lalabag sa hindi paglo-load o pagkakabit ng kanilang RFID.
Ayon De Guzman, patuloy pa ang kanilang pag-aaral at konsultasyon sa iba’t ibang stakeholders, kasama na ang mga tollway operators, pero iginiit na ang kahalagahan nang pagpapatupad nito sa lalong madaling panahon.
Marami kasi aniyang mga motorista ang pasaway, kung saan dumadaan ang mga ito sa cashless lanes sa tollways kahit pa alam naman ng mga ito na walang laman na load ang kanilang RFID stickers sa kanilang sasakyan.
Inihalimbawa nito na noong Disyembre, sa CAVITEX, aabot sa 30,352 ang dalawa hanggang limang beses na dumaan cashless lane na hindi sapat o walang load.
Para kina Deputy Speaker Wes Gatchalian at Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, dapat magkaroon din ng strike policy para naman sa mga toll ways operators na hindi tutugon sa itinakdang minimum performance standards.
Pero siniguro naman din ni De Guzman na aayusin na rin ng mga tollways at kanilang mga partner systems ang problema sa loading sa RFIDs.