Magpapatupad na ang lungsod ng Navotas ng three-strike policy laban sa mga opisyal ng barangay na mabibigong suwayin ang mga lumalabag sa quarantine protocols.
Batay sa inilabas na memorandum order, ipatutupad ang “three-strike” policy sa barangay kung mas maraming pasaway ang mahuhuli ng Task Force Disiplina o ng PNP kaysa sa mga mismong opisyal ng barangay.
“[And] if this occurs three times, the undersigned shall refer the gross neglect of duty on the part of the barangay to strictly implement existing ordinances of the City to the Sangguniang Panlungsod,” saad sa memo.
Ayon naman kay Navotas Mayor Toby Tiangco, maraming reklamo ang natatanggap ng lokal na pamahalaan tungkol sa mga taong hindi maayos ang pagsusuot ng face mask, maging sa mga paglabag sa 24 oras na curfew sa mga menor de edad.
“Gusto po nating manatiling ligtas ang bawat mamamayan kaya hinihingi po namin ang inyong pakikiisa. Disiplinahin po natin ang ating mga sarili at huwag balewalain ang banta ng COVID-19,” ani Tiangco sa isang Facebook post.
Una rito, sa ulat nito kay Pangulong Rodrigo Duterte, tinawag ni Health Secretary Francisco Duque III ang Navotas bilang isang “high-risk” area ng COVID-19.
Tumaas din aniya ang dalawang linggong growth rate ng COVID-19 infections sa Metro Manila.
Base sa pinakahuling tala, may halos 500 aktibong kaso ng COVID-19 ang Navotas, habang 6,420 naman ang mga kumpirmadong kaso.