-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Tatlo katao ang nasugatan sa nangyaring pamamaril sa internet café sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga biktima na sina Jay-Jay Glory Henilo, 21, estudyante mula sa Landasan, Parang, Maguindanao; Rasid Kasim Marot, 21, residente ng Barangay Kitulaan, Carmen at Mohammad Abdul Balayanan, 18, estudyante at nakatira sa Purok 4A, Barangay Poblacion, Carmen.

Ayon kay Cotabato police provincial director Colonel Maximo Layugan na dalawa umanong hindi kilalang suspek ang pumasok sa Glory’s internet café at biglang namaril sa mga biktima gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Carmen.

Ang mga sugatan ay agad dinala ng mga nagrespondeng pulis at dinala sa Kabacan Medical Specialist Hospital at patuloy na ginagamot ng mga doktor.

Narekober sa crime scene ang pitong mga empty shells ng kalibre .45 na pistola na agad namang isinumite sa provincial crime laboratory para sa dagdag na eksaminasyon.

Personal na alitan ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pamamaril sa mga biktima na patuloy nilang iniimbestigahan.