Na-rescue ng mga tauhan ng Marine Battalion Landing Team-12 (MBLT-12) ang siyam na crew ng lumubog at sumabog na barko sa karagatan ng Tawi-Tawi, kung saan tatlo rito ang sugatan.
Ayon kay Western Mindanao Command commander Lt. Gen. Corleto Vinuan, naganap ang insidente noong Linggo April 4, 2021 kung saan siyam na Filipino crew ng motor launch boat na M/L Marissa ang nag-load ng gasolina sa naturang barlo mula sa isang tanker na galing Sabah, Malaysia.
Pero nagkaroon umano ng problema ang generator battery ng nasabing barko na naging sanhi ng pagsabog.
Sinabi ni MBLT-12 commanding officer Lt. Col. Aladdin Caluza, mga tropa mula sa 312th Marine Company na nakabase sa Panguan Island kasama ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng Sitangkai ang rumisponde sa lugar at dito nakita ang barko na M/L Hasana at ang boat captain na nakilalang si Abi Usman, 30.
Batay sa naging pahayag ng kapitan, tatlong barko ang nasa lugar, ang ML Hasana mula Bongao, TawiTawi; gasoline tanker mula Sabah at ang lumubog na M/L Marissa.
Agad umano umalis sa lugar ang tanker matapos ang pagsabog.
Kinumpirma ni Usman na ang nasabing lugar ay siyang meeting point ng mga fuel traders mula Malaysia at Pilipinas.
Ibinunyag din nito na ang mga crew ng M/L Marissa ay sumakay sa isang maliit na water craft na kanilang tinawag (Tiririt) at lumayag patungong Bulu-Bulu Island.
Agad daw dumiretso sa nasabing lugar ang mga rescue team.
Sa siyam na Filipino crews, tatlo ang sugatan na nagtamo ng burn injuries at dinala sa Sibutu hospital para sa medical attention.
Nai-turn-over na rin sa local government ng Sitangkai ang mga na rescue na mga indibidwal.
Pinuri naman ni Gen. Vinluan ang ginawa ng mga marine troopers na tumulong sa mga kababayan na nangangailangan ng ayuda.