-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Sugatan ang tatlong mga kalalakihan sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa lansangang nasasakupan ng Arusip, City of Ilagan.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Roel Abad, 20, binata, tsuper ng isang sangkot na motorsiklo at residente ng Bagong Silang, City of Ilagan at ang angkas nito na si Francis De Leon, 18, habang sugatan din ang tsuper naman ng isa pang sangkot na motorsiklo na si Carlito Pagulayan, 52, may asawa, construction worker at residente ng Naguilian Sur, City of Ilagan.

Sa pagsisiyasat ng City of Ilagan Police Station, binabagtas ni Pagulayan ang nasabing lansangan patungong kanlurang direksyon nang bigla umanong sumulpot ang motorsiklong minamaneho ni Abad mula sa isang kanto na dahilan para sila ay magkabanggaan.

Dahil sa lakas ng salpukan ay parehong tumilapon ang mga sakay ng dalawang motorsiklo.

Nagtamo ng fracture sa kanang braso at back injury si Pagulayan habang nagtamo naman ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan sina Abad at De Leon.

Agad namang isinugod sa pagamutan ang mga biktima ng mga rumispondeng rescue team upang malapatan ng lunas ang mga tinamong sugat.