-- Advertisements --

Tatlo ang sugatan matapos araruhin ng isang puting SUV (Audi) ang isang bangko sa may bahagi ng McArthur Highway, Marilao, Bulacan.

Ang SUV ay pagmamayi-ari ni dating Marilao Mayor Epifanio Guillermo.

Ayon kay Bulacan Provincial Police Office chief Col. Chito Bersaluna, nangyari ang insidente bandang alas-10:00 kaninang umaga sa Barangay Abangan Norte.

Nakilala ang mga nasugatan na sina Juaniver Felicis at Gerard Hermogenes na kapwa security guard ng bangko at isang Kristine Lanoza na nagwi-widthraw lamang sa ATM machine.

Batay sa inisyal na imbestigasyon nakaparada lamang ang nasabing SUV sa harap ng bangko nang bigla itong humarurot pasulong dahilan upang bumangga ito sa salaming pintuan ng bangko.

Kaagad namang isinugod sa St. Michael Family Clinic ang mga biktima upang agad malapatan ng paunang lunas.

Iniimbestigahan na ng PNP ang nasabing aksidente na posibleng isa itong panibagong kaso ng sudden unintended acceleration sa mga mamahaling sasakyan.