Nag-iwan ng tatlong sugatan ang dalawang magkahiwalay na shooting incidents sa siyudad ng Milwaukee kasunod nang selebrasyon ng mga fans sa pagkampeon ng Milwaukee Bucks laban sa Phoenix Suns.
Ito ang unang kampeonato ng kanilang koponan makalipas ang 50 taon.
Ayon sa police statement nangyari ang insidente dakong alas-12:42 ng madaling araw (local time) sa dalawang lokasyon malapit Water Street.
Ang pangyayari ay sa harap lamang ng Milwaukee River mula sa Fiserv Forum kung saan naging sentro ang laro ng NBA Finals.
Sinasabing hindi naman grabe ang natamong sugat ng mga biktima.
Isang suspek na ang inaresto habang pinaghahanap pa ang iba.
Una rito sa kasagsagan din ng watch party kahapon isa ring pulis ang nasaktan dahil sa pagbuhos ng mga tao na sumobra na sa capacity.
Itinuturing itong “massive crowd” kung saan walang humpay ang naging selebrasyon ng mga tao na sinabayan pa ng fireworks display.