3 sugatan sa pananambang sa Maguindanao Del Norte
CENTRAL MINDANAO-Sugatan ang tatlo katao sa pananambang sa lalawigan ng Maguindanao Del Norte.
Nakilala ang mga sugatang biktima na sina Regan Blanan,driver ng Mini Van at chief security guard ng Amaya Beach resort,Jonimar Minted,40 anyos at Baby Jane Udas Blanan,35 taong gulang.
Nakaligtas naman sina Lilit Udas,52 at John Regan Blanan.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Roel Sermese na lulan ang mga biktima sa isang Mini Van Wagon,kulay Gray na may plakang MAX-8406 sa Barangay Tapian Datu Odin Sinsuat Maguindanao Del Norte ng bigla silang pagbabarilin ng mga hindi kilalang suspek gamit ang kalibre.45 na pistola at M16 armalite rifles.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek na sakay umano ng motorsiklo.
Agad na nagresponde ang mga pulis at dinala ang mga sugatan sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City.
Sinabi ni Datu Odin Sinsuat Chief of Police Major Reggie Albellera na papauwi na sana ang mga biktima sa kanilang tahanan sa Barangay Kusiong nang mangyari ang pamamaril.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Datu Odin Sinsuat PNP sa pananambang sa mga biktima.