-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Kaagad na nagpaabot ng pakikiramay ang pinuno ng militar sa Negros Occidental sa pamilya ng tatlong sundalo na namatay sa engkuwentro laban sa New People’s Army sa Brgy, Carabalan, Himamaylan City, Negros Occidental, kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 303rd Infantry Brigade commander Col. Inocencio Pasaporte, sinabi nitong nagsagawa ng security patrol ang mga miyembro ng 94th Infantry Battalion para sa pamamahagi ng cash grant sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng DSWD.

Ayon kay Pasaporte, nakatanggap ng report ang militar na may presensya ng armadong grupo sa lugar at nang-extort ng pera at humihingi ng bigas sa mga residente.

Malapit na sana ang militar sa lugar nang sumabog ang improvised explosive device (IED) at pinasabugan din sila ng hand grenade.

Nagpalitan ng putok ang magkabilang panig na tumagal ng 30 minuto.

Nagawa pang maisugod sa ospital si Corporal Joel Nobleza ng Barangay Jagnaya, Jamindan, Capiz subalit kalaunan ay binawian ng buhay.

Maliban sa kanya, patay din sina 2nd Lt. Ralph Amante Abibico at Private First Class Carl Venice Bustamante.

Ang apat na mga sugatan naman ay isinakay sa military chopper at dinala sa ospital sa Bacolod.