-- Advertisements --
prosperidad vehicular

BUTUAN CITY – Humantong sa pagkamatay ng tatlong mga sundalo habang iba pa ang sugatan, ang naganap na aksidente sa daan kahapon ng alas-4:00 ng hapon sa may Purok-18, Brgy. Poblacion sa bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur.

Napag-alamang galing pa sa bayan ng San Francisco at patungo sanang Bayugan City ng nasabing lalawigan ang isang Starex Van na minamaneho ni Jaime Abrea Lao, 48, may-asawa, negosyante at residente ng Brgy 4, sa bayan ng San Francisco.

Ngunit pagdating sa lugar na pinangyarihan ay bigla umanong nag-overtake sa kanilang sasakyan ang Toyota Fortuner na nakapangalan sa lokal na pamahalaan ng Bayugan City kung saan mga sundalo ang sakay nito.

Dahil may nakitang kasalubong ang nag-overtake na Fortuner kung kaya’t kaagad itong bumalik sa kanyang linya na naging dahilan sa pagbangga nito sa van, sanhi ng disgrasya na kaagad na ikinamatay ng driver na si Pfc. Eldryn Mendoza at mga sakay nitong sina 2LT Mary Joy Salentes at Pfc. Arden Sampio, 31, na residente sa P-23, Sunrise Valley Subd., Brgy Lagao, General Santos City.

Nakaresponde naman ang mga SARAS rescuers at nadala sa ospital ang mga sakay kung saan patuloy pang ginagamot ang kanilang mga kasamahang si 1LT Robert Calatrava Ching, 29, pati na ang drayber ng van na si Lao.