KORONADAL CITY – Nagresulta sa pagkamatay ng tatlong sundalo ang magkahiwalay na pag-atake ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa binubuong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Moro Islamic Liberation Front Chairman (MILF) at BARMM Interim Chief Minister Hadji Murad Ebrahim, hindi kabilang ang BIFF sa peace process sa pagitan ng MILF at gobyerno na siyang itinuturong pumatay kay S/Sgt. Lardera Verande, miyembro ng intelligence unit ng 6th Infantry Division Phil Army nitong Huwebes ng umaga.
Sinundan naman ito ng pag-atake ng BIFF kina Pfc. Junard Estribor at Pvt. Nelier John Pinto sa Barangay Sambulawan, Datu Salibo, Maguindanao habang papunta ang mga ito sa Cotabato City nang binantayan at pinaulanan ng bala ng rebeldeng grupo.
Idineklarang dead on the spot ang nasabing mga sundalo na miyembro ng 57th Infantry Division matapos magtamo ng tama ng mga bala sa kanilang katawan.
Samantala, kinumpirma naman ni BIFF Spokesman Abu Misry Mama, na paghihiganti ng kanilang grupo ang nasabing pag-atake matapos na mapatay ang isa kanilang opisyal sa isinagawang military operation sa Maguindanao tatlong araw na ang nakalipas.
Samantala, ito na ang unang pag-atake ng nasabing grupo matapos ang pormal na pamumuno ng Bangsamoro Transistion Authority sa BARMM.
Sa ngayon patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing pag-aatake.