BACOLOD CITY — Tatlong sundalo ang sugatan sa nangyaring sagupaan sa pagitan nila ng New People’s Army sa Escalante City, Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Lt. Ma. Rebekka Roperos, civil military operations officer ng 303rd Infantry Brigade, mga miyembro ng 79th Infantry Battalion na nakabase sa Sagay City ang nakasagupa sa NPA members sa Sitio Moreno, Barangay Paitan, Escalante City, alas-6:45 nitong Sabado ng umaga.
Hindi bababa sa 30 mga miyembro ng rebeldeng grupo ang nakasagupa ng mga sundalo at tumagal ng 45 minuto ang running gun battle o paghahabulan ng magkabilang panig.
Ayon kay Roperos, gumamit ang NPA ng anti-personnel mine o landmine kaya nasugatan ang tatlong sundalo na sina Corporal Homer Anibersario, Corporal Ronald Pojao at Corporal Gerald Caluyo.
Nagtamo ang mga ito ng minor injuries ayon kay Roperos kung saan mayroong nasugatan sa leeg, hinlalaki sa kanang paa at kanang tenga.
Sa ngayon, nasa mabuti nang kalagayan ang mga sugatan at naipaalam naman ang kanilang mga pamilya.
Samantala, ayon sa traces ng dugo at salaysay ng mga residente malapit sa encounter site, tinatayang limang miyembro ng NPA ang namatay ayon kay Roperos.
Nag-evacuate naman ang ilang residente sa lugar kasunod ng engkwentro.
Temporaryong nananatili ang mga ito sa Paitan Elementary School at inaalam pa kung ilan lahat ang lumikas.